Nagpahayag ng suporta ngayon ang Gabriela Timog Katagalugan sa isinampang reklamong impeachment laban kay Gng. Gloria Macapagal Arroyo, kasabay ng paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan.
Ayon kay Helen Asdolo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela Timog Katagalugan, “Nasa kababaihan ang lahat ng dahilan para manindigan at kumilos laban kay Gng. Arroyo. Sa loob ng mahigit pitong taon, ramdam na ramdam ng mga kababaihan, lalo na sa kanayunan ang kahirapang hatid ng mga patakaran ng globalisasyon at miiltarisasyon ni Gng. Arroyo.”
“Ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan, higit na dapat paigtingin ang tunay na kalagayan ng kababaihan sa kanayunan—ang tumitinding kahirapan, ang kawalan ng lupa at serbisyong panlipunan at ang papatinding militarisasyon at karahasan,” ani Asdolo.
Pahayag pa ni Asdolo, “Ang mga kababaihang nagtatanim at nagbubungkal ng lupa ang mismong wala nang makain. Ang pagdagsa ng mga imported na bigas at produktong agrikultural sa bansa ay nagdulot ng ibayong pagkalugi sa mga maralitang magbubukid, lalo na sa kababaihan. Gayundin, ang laganap na kumbersyon ng lupang sakahan para gawing subdibisyon, industrial complex, resort o golf course ay nagpalayas sa daandaan libong pamilyang magsasaka. Gayundin nananatiling salat sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon ang mga komunidad sa kanayunan.”
Dagdag pa ni Asdolo, marami nang mga pamilyang katutubo at pamilyang magsasaka ang pinalikas ng tumitinding militarisasyon. “Papatinding karahasan, pamamaslang, panunupil ang tugon ng rehimeng Arroyo sa mga lehitimong kahilingan ng mga kababaihan.”
Sa Timog Katagalugan ay nakapagtala na ng umaabot sa 3218 kaso ng paglabag sa karapatang pantao na naka-apetkto naman sa 14133 pamilya. “Karamihan ng mga biktima ng Oplan Bantay Laya ay mga magbubukid.”
“Si Gng. Arroyo at ang kanayng anti-mahirap, anti-mamamayang patakaran an gaming itinuturong salarin sa tumitinding kahirapan at karahasang kinahaharap ng kababaihan sa kanayunan. Muli’t muli naming igiit ang aming panawagan para siya’y bumaba na sa pwesto.”#
For Reference: HELEN ASDOLO (GABRIELA-ST Secretary General) 0918-4698497