Mariing kinukundena ng GABRIELA Timog Katagalugan at Gabriela Women’s Party ang pagpaslang kay Sabina “Ka Sabeng” Ariola kahapon, ika-23 ng Marso, alas-8:25 ng umaga sa tapat ng Metroville subd., Bgy. Pooc, bayan ng Sta Rosa Laguna.
Si Ka Sabeng, 51 taong gulang, isang lider kababaihan, ang kasalukuyang tagapangulo ng MSRK3 o Mamamayan ng Santa Rosa para sa Kagalingan, Kaunlaran at Kapayapaan. Isang di pa nakikilalang lalaki ang sumalubong at bumaril kay Ka Sabeng sa tiyan habang pinangungunahan ang isang kilos protesta kahapon. Siya ay lulan ng isang elf kasama ang iba pang miyembro ng MSRK3 patungo sa Sta Rosa City Hall upang dumalo sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng naturang lungsod.
Ang bala na tumagos sa tiyan ni Ka Sabeng ay tumama sa pisngi at kasalukuyan pang nakabaon sa may bahagi ng leeg ni Adelaida Calosa, 48 taong gulang at miyembro ng MSRK3.
Nakatakdang operahan si Adelaida habang si Ka Sabeng ay binawian na ng buhay kaninang umaga.
Ang pamamaslang kina Ka Sabeng at Adelaida sa gitna ng kanilang paglahok sa isang kilos protesta ay isang muling pagpapakita ng madugo at brutal na kamay ng estado laban sa mga bumabatikos dito. Ito ay patunay na nagpapatuloy ang pampulitikang pamamaslang, pagtugis at panunupil sa mga lider kababaihan, mga aktibista at miyembro ng mga progresibong organisasyon.
Sariwa pa sa aming alaala ang pagpaslang noon kay Melita “Tita Mely” Carvajal. dati ring tagapangulo ng MSRK3 at coordinator ng Gabriela Women’s Party sa Sta. Rosa, Laguna.
“The impunity of the Arroyo regime’s Oplan Bantay Laya continues to claim the lives of martyrs in Southern Tagalog. We demand justice as well as an independent investigation on the incident that will bring perpetrators to justice.”
Kasabay ng aming pagkundena ay ang aming panawagan para sa independyenteng imbestigasyon sa insidente at ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng pamamaslang.
For Reference:
LEONA ENTENA (Gabriela Women’s Party Vice Chairperson for Luzon) 09074951189