Ipinapanawagan ngayon ng Gabriela-Timog Katagalugan ang agarang pagsususpinde ng implementasyon ng proyektong Southrail sa gitna ng pagbubunyag ni ZTE-NBN witness Rodolfo Jun Lozada na maging ang proyektong Southrail overpriced ng $70 M.
“Nakagagalit para sa aming mga kababaihan ang malaman na nasisikmura pang pagkakitaan ng mga kurakot sa pamahaalan ang proyektong wawasak sa pamamahay ng humigit kumulang 100,000 pamilya sa tabing-riles sa Laguna hanggang Quezon. Hindi dapat mag-atubili sa agarang pagpapatigil sa proyektong Southrail. Maanomalya na ay nakapipinsala pa ang proyektong ito,” ani Helen Asdolo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela Timog Katagalugan.
Sinusugan ng grupo ng kababaihan ang inihahayag na mga mungkahi sa Senado na imbestigahan ang proyektong Southrail. “Hangga’t hindi nareresolba ang mga alegasyon ng anomalya, hindi dapat magpatuloy ang proyektong Southrail.”
Inihayag ng Gabriela Timog Katagalugan na sa pagpapatupad ng proyektong Southrail ay may halos 10,000 kabahayan na ang nademolis sa bayan ng Cabuyao, Laguna noong nakaraang taon. Sa darating na buwan ng Marso at Abril nakatakda namang idemolis ang mga kabahayan sa kahabaan ng tabing-riles sa bayan ng Santa Rosa.
“Sa kanilang isinasagawang demolisyon, wala namang maayos na programa para sa relokasyon. Ang Southville housing project kung saan itinapon ng pamahalaan ang mga pamilyang pinalayas sa tabing-riles, ay katabi ng tambakan ng basura. Dito rin naitala ang maraming kaso ng dengue dahil na rin sa kawalan ng maiinom na tubig sa lugar,” dagdag pa ni Asdolo. #