Para sa lahat ng aking mga kabaro!
Isang mapagpalayang hapon sa ating lahat!
Muli ay ginugunita natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan. Narito tayo at nagtitipon upang muli ay iparinig natin ang ating tinig sa malawak na hanay ng mamamayan. Saan mang panig, may mga pagkilos na isinasagawa ang kababaihan sa pangunguna ng GABRIELA at ng iba pang militanteng kilusan ng kababaihan.
Hindi na maitatanggi, ang patuloy na paglakas ng kilusan ng kababaihan, dahil naniniwala tayo na ang kababaihan ay may malaking bahagi sa lipunang ating ginagalawan, at bilang kalahati ng populasyon, malinaw na hindi na lamang sa mga tahanan ibinubuhos ng mga kababaihan ang kanilang talino at lakas.
Sa kasalukuyan, batbat ng kahirapan ang dinaranas ng mayorya ng mamamayang Pilipino, habang ang pamilya nitong si Gng. Gloria Arroyo kasama ng kanyang mga alipores ay nagpapasasa sa kabang yaman ng ating bansa. Sa araw na ito ay ililitanya natin sa malawak na hanay ng mamamayang Pilipino ang kataksilan at kapalaluan ng Gubyernong US Arroyo sa hanay nating mga kababaihan. Mula sa krisis na ating kinakaharap, ang paglobo o pagtaas ng lahat ng pangunahing bilihin, ang walang patumanggang ng mga bayarin sa kuryente at tubig na pasan-pasan nating mga kababaihan, kasalukuyang dumadagdag pa dito ang paglobo ng bilang ng mga walang hanapbuhay at patuloy na tanggalan ng mga manggagawa sa mga pagawaan, kawalan ng lupa para sa mga magsasaka, ang patuloy na pagpapalayas sa mga maralita at kawalan ng tunay na serbisyong panlipunan. Saan man sumuling pawang karahasan sa iba’t ibang anyo nito ang nakikita’t pangunahing biktima ang kababaihan.
Patuloy ang pakikipagkutsabahan ng gubyernong ito para sa mga kontramamamayang patakaran, katulad ng, Liberalisasyon, Deregulasyon, Pribatisasyon at Globalisasyon na tuwirang nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.
Ang Visiting Forces Agreement (VFA) na isa pangunahin nating titnututulan ay nananatili pa ring kasunduan sa pagitan ng ating gobyerno at ng Imperyalistang US. Malinaw ang pagsasamantala sa pambansang soberanya dahil sa pananatili nito. Hanggang sa kasalukuyan, bagamat, nalitis, at hinatulan na ang GI na si Danile Smith subalit batid nating lahat na hindi pa rin nakakamtan ng biktimang si Nicole ang tunay na katarungan dahil sa pananatili ng kostudiya ni Smith sa US Embassy.
Gayundin ay wala pa ring katarungan sa biktimang si Hazel na isa rin sa mga Pilipinang biktima ng sundalong Amerikano sa Okinawa kaya’t malinaw na kinasusuklaman ng kababaihan ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil habang nanatili ang kasunduang ito marami pang kababaihan ang mapapahamak sa kamay ng mga hayok na mga sundalong ito ng America.
Ang karahasan sa kamay ng estado ay nanatiling nararanasan ng mga kababaihan. Mula sa pang-ekonomiya, Pulitika at kultura, nanatili ang mababang pagtingin sa ating mga kababaihan. Ang pampulitikang panunupil ng estado sa mga progresibong organisasyon, ang pag-iimbento ng mga gawaw-gawang kaso laban sa mga lider aktibista ay ilan lamang sa mga ipinapakitang karahasan ng estadong ito.
Pinatunayan ng track record ng papet na rehimen ang kanyang pagiging berdugo sa kanyang mamamayan mula sa pamamaslang, pagdukot, pagtorture at iba pang krimeng isinasagwa nito. Ito ay upang busalan ang umaalsang galit ng mamamayan sa estadong nagpapabaya at dumudurog sa kanyang mamamayan.
Muli, iguguhit natin sa araw na ito ang dumadagundong nating sigaw na kahit magtatapos na ang kanyang termino ay patuloy pa rin nating ipananawagan ang pagpapatalsik sa pekeng pangulong ito. Patuloy tayong mag-oorganisa sa malawak na hanay ng mga kababaihan upang ipakita natin ang ating lakas para sa mga susunod pang hamon.
Kaya’t lubhang napapanahon ang panawagan ng ating pagkilos na ito Kababaihan, Kumilos, Magkaisa, Patalsikin ang Papet, Pahirap sa Masang si Gloria! Tama na! Sobra na!
Maraming salamat sa patuloy nating pakikiisa at pagsasama-sama.
Maraming salamat,
Helen Asdolo
Si Helen Asdolo ang Pangkalahatang Kalihim ng GABRIELA Southern Tagalog at kabilang sa tinaguriang Southern Tagalog 72 — ang 72 lider aktibista na tinutugis ng pamahalaang Arroyo sa batayan ng gawa-gawang kaso ng murder at multiple frustrated murder bunga ng isang ambush sa isang detachment ng pulis sa Mindoro.