OBL NI GLORIA MAS MALALA SA BATAS MILITAR NI MARCOS
Posted by gabrielatk on September 21, 2008
Sa pagunita ng anibersaryo ng Batas Militar, muling nanindigan ang mga kababaihan ng Timog Katagalugan laban sa panunupil, militarisasyon, pagdukot at pamamaslang at sa nagpapatuloy na paghahasik ng lagim ng Oplan Bantay Laya sa mga lalawigan ng Timog Katagalugan.
“Walang pinagkaiba, bagkus ay mas masahol pa ang rehimeng Gloria Arroyo kaysa kay Marcos. Matagal nang nahigitan ng rehimen ni Gloria ang rekord ni Marcos sa usapin ng paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ni Helen Asdolo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela Timog Katagalugan.
Ayon pa kay Asdolo, “nasa mga madudugong kamay ni Gloria ang pananagutan sa pagpaslang sa maraming kababaihan sa Timog Katagalugan sa ilalim ng OBL 1 at OBL 2 — mga patakaran ng tahasang pamamaslang, pagdukot at pananakot sa mga aktibista at mga progresibo. Marami nang mga kababaihan, katulad ni Milagros Belga, Mely Carvajal, juvy Magsino, Manuela Albarillo at Eden Marcellana– mga kababaihang naninindigan para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan– ang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo.”
Sa huling tala ng Karapatan Timog Katagalugan nitong Hulyo 2008 ay umaabot na sa 167 ang bilang ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang o extra judicial killings sa rehiyon, 31 naman ang dinukot at nawawala habang may 27 bilanggong pulitikal.
“Labis na mapanganib ang rehimeng Gloria Macapagal Arroyo kung kaya’t wala nang dahilan para manatili pa ito sa kapangyarihan at maghasik ng lagim. Dapat na itong patalsikin.”