Posted by gabrielatk on September 21, 2008
Sa pagunita ng anibersaryo ng Batas Militar, muling nanindigan ang mga kababaihan ng Timog Katagalugan laban sa panunupil, militarisasyon, pagdukot at pamamaslang at sa nagpapatuloy na paghahasik ng lagim ng Oplan Bantay Laya sa mga lalawigan ng Timog Katagalugan.
“Walang pinagkaiba, bagkus ay mas masahol pa ang rehimeng Gloria Arroyo kaysa kay Marcos. Matagal nang nahigitan ng rehimen ni Gloria ang rekord ni Marcos sa usapin ng paglabag sa karapatang pantao,” pahayag ni Helen Asdolo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela Timog Katagalugan.
Ayon pa kay Asdolo, “nasa mga madudugong kamay ni Gloria ang pananagutan sa pagpaslang sa maraming kababaihan sa Timog Katagalugan sa ilalim ng OBL 1 at OBL 2 — mga patakaran ng tahasang pamamaslang, pagdukot at pananakot sa mga aktibista at mga progresibo. Marami nang mga kababaihan, katulad ni Milagros Belga, Mely Carvajal, juvy Magsino, Manuela Albarillo at Eden Marcellana– mga kababaihang naninindigan para sa karapatan at kagalingan ng mamamayan– ang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo.”
Sa huling tala ng Karapatan Timog Katagalugan nitong Hulyo 2008 ay umaabot na sa 167 ang bilang ng mga biktima ng pampulitikang pamamaslang o extra judicial killings sa rehiyon, 31 naman ang dinukot at nawawala habang may 27 bilanggong pulitikal.
“Labis na mapanganib ang rehimeng Gloria Macapagal Arroyo kung kaya’t wala nang dahilan para manatili pa ito sa kapangyarihan at maghasik ng lagim. Dapat na itong patalsikin.”
Posted in Uncategorized | Leave a Comment »
Posted by gabrielatk on September 15, 2008
“Pabahay, serbsyong panlipunan, kuryente at kalusugan. Ilan lamang ito sa mga makatarungang kahilingan ng mamamayang maralita dito sa Calamba, na dapat ay agarang mabigyang aksyon ni Mayor Chipeco at ng pamahalaang lungsod.”
Ito ang pahayag ni Helen Asdolo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela Timog Katagalugan sa piket-dayalogong inilunsad ngayong umaga sa City Hall ng lungsod ng Calamba. Mahigit sa 200 maralita mula sa relokasyon ng Bgy. Looc, sa Sitio Kabute at Barangay 1 ang dumalo sa pagkilos at nakipagharap sa tanggapan ni Mayor Joaquin Chipeco.
Anila, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring kuryente at mga batayang serbisyo sa relokasyon ngĀ Bgy. Looc habang naka-amba naman ang demolisyon sa Sitio Kabute ngayong nalalapit na ika 26 ng Setyembre. Pinalalayas rin sa kanikanilang mga pwesto ang mga manininda sa Bgy. Uno.
“Humahaba ang listahan ng kasalanan ng lungsod ng Calamba sa mga maralitang mamamayan nito. Patuloy ang mga planong pagpapalayas sa mga maralita habang wala namang makataong paninirahang ibinibigay bilang alternatibo. Patunay nito ang kasalukuyang kalagayan ng mga relocatees sa Bgy. Looc na sa kasalukuyan ay may 204 nang kabahayan.”
Dagdag pa ni Asdolo, “patuloy kaming mangangalampag sa mga opisyal ng lungsod ng Calamba. Hangga’t hindi naibibigay ang aming mga kahilingan ay hindi kami titigil.”
Nakatakda ring magtayo ng protest camp sa Crossing, Calamba bukas ang mga maralita.
Posted in Uncategorized | Leave a Comment »
Posted by gabrielatk on September 6, 2008
<!– @page { size: 8.5in 11in; margin: 0.79in } P { margin-bottom: 0.08in } –>
“Ang anumang pakana na naglalayong panatilihin pa sa kapangyarihan si Gng Arroyo ay dapat na tutulan. Hindi maaaring maisagawa ang Charter Change at nakahanda kaming kumilos para tutulan ito.”
Ito ang naging pahayag ni Helen Asdolo, pangkalahatang kalihim ng Gabriela timog Katagalugan at isa sa mga convenors ng People’s March – ST o People’s Movement Against Charter Change. Sa isang pagtitipon sa Crossing, Calamba ay ipinagtibay ng mga indibidwal at organisasyong bumubuo sa People’s March ang kanilang layuning biguin ang pakanang Charter Change ng rehimeng Arroyo.
“Mapanganib ang ChaCha. Oras na umayon rito ang Kongreso at nabuksan na ang proseso wala nang makpipigil pa kay Gng Arroyo at sa mga alyado nito sa pagpapasok ng mga probisyong makapagpapatagal pa ng kanyang termino,” paliwanag ni Asdolo.
Dagdag pa nito, “tiyak ring mareretoke ang Konstitusyon para umayon sa mga mapanupil na patakaran ng rehimeng ito, gayundin tiyak na ibubuyangyang pa ng rehimen ang ating mga likas na yaman para maging pag-aari ng dayuhan.”
Babala rin ni Asdolo na manunumbalik na ng lubos ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa na napatunayan nang naging sanhi ng paglala ng prostitusyon at karahasan sa kababaihan.
“Walang dahilan para ayunan ng mamamayan ang pagbabago ng Konstitusyon. Dapat labanan ang ChaCha.”
Posted in Uncategorized | Leave a Comment »