GABRIELA Southern Tagalog

KABABAIHAN SUSUPORTA SA WELGANG TRANSPORTASYON

Posted by gabrielatk on July 23, 2008

Nagpahayag ngayon ng pagsuporta sa isasagawang welgang transportasyon bukas ang Gabriela Timog Katagalugan.

“Ang mga kababaihan ay kaisa ng mga tsuper sa panawagang ibaba ang presyo ng langis sa pamamagitan ng pagtatanggal sa 12% VAT at sa pagbabasura ng batas na oil deregulation,” ani Helen Asdolo, Pangkalahatang Kalihim ng Gabriela Timog Katagalugan.

Inilahad pa ni Asdolo na mula nang maipatupad ang Oil Deregulation Law noong 1997 ay tumaas ng 626% ang presyo ng gasolina at 746% naman ang presyo ng diesel. “Bunsod nito ay sunod-sunod na ring tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.”

Magiging malaking alwan para sa mga kababaihan ang pagbabasura ng 12% VAT at ng Oil Deregulation Law. “Sinusuportahan namin ang mga panukalang batas na naglalayong ibasura ang mga nabanggit tulad na lamang ng HB 3458 at 3433 na inihapag ng Gabriela Women’s Party.”

Dagdag pa ni Asdolo, “Kasama ang mga kababaihan at ang aming mga pamilya sa mga nahihirapan at nagugutom dala na rin ng mga patakaran ng rehimeng US-Arroyo. Nanawagan rin kami sa mga kapwa naming kababaihan na makiisa at lumahok sa protesta bukas gayundin sa darating sa State of the Nation Address.”

Ang welgang transportasyon bukas ay pangungunahan ng Southern Tagalog Transport Sector Organization (Starter-Piston).#

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <pre> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>